IPINAUUBAYA ng Malacañang sa Department of Justice (DoJ) ang pagdetermina sa kwali-pikasyon ni Ruby Tuason bilang state witness sa pork barrel scam.
Ito’y makaraang lumabas ang balitang nagtataglay ng 80 local at international bank accounts si Tuason.
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma, tungkulin ng DoJ na alamin kung karapat-dapat pang mapasama sa mga testigo si Tuason.
Ayon kay Coloma, dapat may konkretong basehan bago itiwalag si Tuason sa Witness Protection Program (WPP).
Bukod kay Tuason, naunang kinuwestyon ang kredibilidad ni TRC chairman Dennis Cunanan nang itangging tumanggap ng kickback mula sa pork barrel, taliwas sa testimonya ng whistleblower na si Benhur Luy.
“Tungkulin ng DoJ ang patuloy na alamin ang kanyang pagiging karapat-dapat na mapasama sa WPP sa harap ng kongkretong katibayan,” ani Coloma.
DALAW NI RUBY SA SENADO NAKOMPIRMA SA CCTV
WALONG beses na umakyat sa 6th floor ng Senate building ang pork scam whistle-blower na si Ruby Tuason, sa pagitan ng Nobyembre at Disyembre noong taong 2008.
Ito ay base sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera ng Office of the Senate Sergeant at Arms (OSA).
Maalala na ipinag-utos ng liderato ng Senado ang pag-review sa video clips makaraan hilingin ito ni Sen. Jinggoy Estrada para pabulaanan ang alegasyon laban sa kanya ni Tuason.
Sa kanyang pagharap noon sa imbestigasyon ng Senate blue ribbon committee, kinompirma ni Tuason na maka-ilang beses siyang umakyat sa tanggapan ni Estrada sa 6th floor para maghatid ng “kickbacks” mula sa multi-billion peso PDAF transactions.
“I personally delivered all the shares of Sen. Jinggoy Estrada and when I delivered in his office at the Senate I was instructed to pass through the entrance to the senator’s parking space so that my bag containing the money will not be opened,” ani Tuason sa kanyang testimonya.
Napag-alaman, ang tanggapan ng Senate president, Senate president pro-tempore, majority leader at minority leader ay matatagpuan sa nasabing palapag ng gusali.
(CYNTHIA MARTIN)