WALO katao ang natusta nang lamunin ng apoy ang 100 kabahayan sa Tinajeros, Malabon city, at sa Zamboanga City kahapon.
Apat sa mga biktima ng sunog sa Malabon ay kinilalang sina Tomas Cruz, 72, lolo; Maylene Cruz-Mateo, 38, ina ng dalawang batang sina Lelei, 10 anyos at Raylei, 5 anyos, magkakasama sa isang bahay sa Espiritu St., Brgy. Tinajeros habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng tatlong biktima na halos hindi makilala dahil sa pagkasunog.
Sa ulat ni PO2 Benjamin Sy, dakong 3:20 ng madaling araw nang magsimula ang apoy sa hindi nabatid na dahilan na tumupok sa 100 kabahayan sa nasabing lugar.
Tinatayang nasa P1.5 milyon halaga ng mga ari-arian ang tinupok ng apoy at kumitil ng pito katao kabilang ang dalawang paslit.
Sa imbestigasyon ni SFO2 Alvino Torres, fire investigator ng Malabon City Bureau of Fire Protection, hindi pa tukoy kung ano ang pinagmulan ng sunog na umabot sa Task Force Alpha at naapula dakong 6:00 ng umaga.
(rommel sales)
SANGGOL NATUSTA SA SUNOG
NALITSON nang buhay ang isang sanggol nang makulong sa nasusunog na bahay sa Zamboanga City nitong Martes ng gabi.
Tostado na ang buong katawan ng biktimang sanggol na si Sheena Kasim nang matagpuan sa kwarto sa kanilang bahay sa Sampaguita Road, Guiwan nang ideklarang fireout ng mga bombero makalipas ang kalahating oras.
Kwento ng tiyahin ng sanggol na si Gretchen Napii, iniwan niya sa kwarto si Kasim habang may nakasinding kandila at kumain siya sa kusina hanggang mapansin na may usok na lumalabas mula sa kwarto.
Sinikap niyang iligtas ang sanggol ngunit malaki na ang apoy kaya napilitang lumabas na lamang ng bahay ang tiyahin. (BETH JULIAN)