INIREKOMENDA ng isang miyembro ng PBA board of governors na isabak ang Gilas Pilipinas sa isang pocket tournament pagkatapos ng PBA season.
Ayon kay Robert Non na kinatawan ng Barangay Ginebra San Miguel sa lupon, dapat isali ang Gilas at dalawang PBA selection, kasama ang isang dayuhang koponan, sa planong pocket tournament.
“Let’s not touch the season format. Let’s make it simple by holding perhaps a four-team tourney involving Gilas plus two different PBA selections and a foreign team. The theme could be ‘beat Gilas,’” wika ni Non.
Naniniwala si Non na mas maganda ang ganitong klaseng format kaysa sa gawing guest team ang Gilas sa PBA Governors’ Cup.
Noong ginawang guest team ang Gilas ni Rajko Toroman sa 2009-10 PBA Philippine Cup ay ginawang exhibition na lang ang mga laro dahil kinuwestiyon ng ilang mga miyembro ng PBA board ang sandaling paggamit kay CJ Giles na dating naturalized player ng national team.
Magpupulong ang PBA board sa Marso 27 upang ayusin na ang problema tungkol sa ensayo ng Gilas para sa FIBA World Cup sa Espanya at ang Asian Games sa Korea.
(James Ty III)