NAGHAIN ng resolusyon si Senadora Nancy Binay na naglalayong imbestigahan ang sinasabing pamumugad ng gambling lords sa high-end casino hotels.
Nangangamba si Binay na ang bansa ay ginagamit na ng transnational syndicates.
“Ngayon, ginagamit na ang ilang mga casino at mga gaming center ng mga sindikato. These places have now become convenient hubs where drug deals easily exchange hands. Hindi na kailangan ang cash para magkasarahan ng deal… transactions are done discreetly using chips instead of cash,” pahayag ni Binay.
Sinabing ang international and organized crime groups ay isinasagawa ang mga transaksyon sa pamamagitan ng local counterparts, hinikayat ni Binay sa Philippine National Police na imbestigahan ang pattern ng aniya’y complex crimes na kinabibilangan ng droga, prostitusyon, high-roller lending operations, loan sharking at money laundering.
“Masalimuot ang operasyon at malinaw na hindi mga Pinoy ang nagpapatakbo nito—there are well-entrenched organized groups behind these underground operations,” aniya pa. (CYNTHIA MARTIN)