PAIIMBESTIGAHAN ng Malacañang ang ulat na tangkang pag-arbor ni Mindoro Gov. Alfonso Umali, sa negosyanteng si Delfin Lee, matapos arestuhin ng Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes ng gabi.
Ayon kay Communications Secretary Hermino Coloma, Jr., kailangan makuha ang panig ni Umali at ng PNP hinggil sa insidente dahil ang detalyeng nakarating sa Palasyo ay mula sa mga ulat sa media.
“Aalamin po natin ‘yung mga konkretong kaganapan hinggil diyan sapagka’t sa kasalukuyan, ang atin pa lamang natutunghayan ay media reports. So, in fairness naman po kay Governor Umali, kailangan makuha po natin ‘yung panig niya at malaman din sa iba pang mga ulat, katulad ng Philippine National Police, kung ano talaga ang naging kaganapan niyan,” ani Coloma.
Nauna nang ibinulgar ni Vice President Jejomar Binay na isang maimpluwensiyang tao ang nagtangkang harangin ang pagdakip ng mga pulis kay Lee.
Ngunit ayon kay Umali, kilalang kaalyado ng Palasyo at treasurer ng Liberal Party (LP), tinawagan lang niya si PNP Chief Director General Alan Purisima bilang kaibigan ng abogado ni Lee na si Atty. Gilbert Repizo, at para ipabatid na ibinasura na ng Court of Appeals (CA) ang warrant of arrest laban sa negosyante.
Ani Umali, hindi niya hiniling kay Purisima na palayain si Lee bagkus ay tinutulungan niya si Repizo na matanggap ang negosyante sa Witness Protection Program (WPP) pero wala siyang alam kung sino ang idadawit ng real estate magnate sa P7 billion scam sa Pag-IBIG Fund.
ni ROSE NOVENARIO