NAGULAT ang Palasyo sa ulat ng women’s rights group Gabriela na isang insidente ng panggagahasa ang nagaganap sa bansa sa bawat isang oras at 55 minuto sa nakalipas na dekada.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, beberipikahin ng Palasyo ang datos kasabay ng pagtiyak na nakikiisa ang pamahalaan sa adbokasya ng Gabriela na protektahan ang mga kababaihan.
“ I will have to check against government data especially against the reported incidents of rape — ‘yung binabanggit nilang metrics. But certainly, wala pong ni isa sa atin ang may gustong tumataas ‘yung mga insidenteng ‘yon, kaya tingin natin this is somewhere… This is common ground that we can find with Gabriela, perhaps, when it comes to taking care of our women,” ani Valte.
Habang tumanggi si Valte na magbigay ng komentaryo hinggil sa kaugnayan ng kahirapan sa paglobo ng bilang ng kaso ng karahasan laban sa kababaihan sa bansa.
Ayon sa Center for Women’s Resources, tumaas sa 1,602 ang naitalang kaso ng rape, incest at attempted rape noong 2013 kompara sa 1,319 noong 2012, nangangahulugan na sa bawat isang oras at 21 minuto ay may nabibiktimang kababaihan o bata sa Filipinas.
ni ROSE NOVENARIO