AMINADO si House Speaker Feliciano Belmonte na mahihirapang makalusot sa Kamara ang Anti-Political Dynasty Bill.
Ayon kay Belmonte, maging siya ay nagulat na nakapasa na pala ang panukalang ito sa House committee on suffrage and electoral reforms.
Ngunit nakalusot man sa committee level, mahirap aniyang aprubahan ito ng mga kongresista sa plenaryo kung hindi magkakaroon ng pagbabago ang detalye ng bill.
Sa ilalim ng panukalang inaprubahan ng House committee on suffrage and electoral reforms, hanggang second degree of consanguinity ang pinagbabawalan na magkakamag-anak na sabay-sabay tumakbo sa halalan.
Inamin ni Belmonte na hindi ito magiging katanggap-tanggap sa maraming kongresista, lalo’t tiyak na maraming tatamaan nito.
Nabatid na isang buwan na mula nang maaprubahan ito sa committee level ngunit hindi pa rin nai-sponsor sa plenaryo.
Sinabi ni Belmonte, sa pagbabalik ng sesyon nila sa Mayo maaaring maisagawa ang sponsorship dito at maumpisahan ang plenary debate.