SA tambol mayor na lang maghahabol ang mga kandidatong may nakabinbing electoral protest kapag natuloy ang plano ng Commission on Elections (Comelec) na ipagbili ang 90,000 precinct count optical scan (PCOS) machines na ginamit sa nakalipas na dalawang automated elections sa bansa.
Sa compact flash card na nasa PCOS machine nakalagay ang detalye ng naging boto ng bawat kandidato at magagamit na ebidensya kapag naghain ng electoral protest laban sa katunggali sa halalan.
May 62 electoral protest ang hindi pa nalulutas ng Comelec sa 2013 mid-term elections habang nakabinbin pa rin sa Presidential Electoral Tribunal (PET) ang protesta ni Mar Roxas laban kay Jejomar Binay sa 2010 vice presidential elections.
Ayon naman kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, wala pang basbas ang Palasyo sa plano ng Comelec na bumili ng bagong 9,000 PCOS machines sa halagang P7 bilyon para sa 2016 elections at ibenta na ang 90,000 lumang PCOS machines.
Inaasahan aniya ng Palasyo na dumaan sa masusing pag-aaral bago ilarga ng Comelec ang naturang plano.
ni ROSE NOVENARIO