PORMAL na pinagmulta kahapon ng Philippine Basketball Association ng P2 milyon ang Rain or Shine dahil sa pagtatangkang mag-walkout sa Game 6 ng finals ng Home DSL Philippine Cup noong Miyerkoles ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Pinatawan ni Komisyuner Angelico “Chito” Salud ang multa pagkatapos ng pulong niya sa team owners na sina Raymond Yu at Terry Que, head coach Joseller “Yeng” Guiao, board governor Atty. Mamerto Mondragon at team manager Luciano “Boy” Lapid sa opisina ng liga sa Libis, Lungsod ng Quezon.
Matatandaan na nag-walkout ang Elasto Painters sa 11:39 na oras sa ikalawang quarter dahil sa pagkuwestiyon ni Guiao sa tawag ng reperi sa foul ni JR Quinahan kay Marc Pingris.
Bumalik ang Painters bago matapos ang 15-minute grace period pagkatapos na mag-usap sina Salud at Mondragon at tinapos nila ang laro kung saan nanalo ang Mixers, 93-87, upang masungkit ang kampeonato.
“Walkouts can never be condoned by our league,” pahayag ni Salud. “A walkout, whether partial or complete, constitutes total disregard for the values the PBA seeks to uphold like sportsmanship and that public interest should be paramount.”
Idinagdag ni Salud na inamin ni Guiao na siya ang nagdesisyon upang mag-walkout ang kanyang koponan at walang kinalaman ang buong pamunuan ng ROS sa ginawang ito ng coach.
Maluwag na tinanggap ng Painters ang desisyon ni Salud.
“The fine is a decision of the board at nangako si Commissioner to improve the PBA as a whole, especially in terms of officiating,” ani Mondragon. “We are going to pay the fine sa isang bagsak. Wala na kaming magagawa because it was our decision to walk out. We still have confidence in the commissioner at itutuloy niya ang kanyang evaluation sa mga referees.”
“The walkout was never planned. Nagulat nga ako although I knew that there was a walkout when our utility boy brought the cooler to the dugout. But when I came in, palabas na ang team,” dagdag ni Yu. “Maraming mga fans ang nanood and we wanted to finish the game para hindi mapahiya ang mga fans.”
Ang pinakamalaking multang pinatawan ng PBA sa isang walkout ay ang P1 milyon sa Talk ‘n Text pagkatapos na mag-walkout ang Tropang Texters sa isang laro kontra Barangay Ginebra San Miguel sa quarterfinals ng Philippine Cup noong 2010.
(James Ty III)