NGAYONG nalampasan na ni Tim Cone ang record ni Baby Dalupan at siya na ang winningest coach sa Philippine Basketball Association, ano ang susunod niyang misyon?
Ikalawang Grand Slam?
Posibleng ito naman ang targetin ni Cone matapos na maigiya niya ang San Mig Coffee sa kampeonato ng katatapos na PLDT myDSL PBA Philippine Cup kung saan dinaig ng Mixers sa Finals ang Rain or Shine, 4-2.
Bunga ng panalong iyon ay nakopo ni Cone ang kanyang ika-16 titulo bilang coach sa PBA at nalampasan ang 15 ni Dalupan.
Kahit na siya na nga ang winningest coach sa PBA ay nagpugay pa ri si Cone sa kanyang idolo at sinabing napakahirap lampasan ang lahat ng achievements ni Dalupan.
“He has won 41 championships in the PBA, the NCAA, the MICAA and everywhere. He’s a legend,” ani Cone.
Kaya naman sinasabi ng karamihan na sa PBA lang mamamayagpag si Cone. At upang sementuhan ang kanyang pagiging winningest coach, sisikapin niyang makamit ang kanyang ikalawang Grand Slam.
Una niyang nakumpleto ang Grand Slam noong 1989 nang hawak pa niya ang Alaska Milk. Iniwan niya ang Aces matapos ang mahigit na dalawang dekada at lumipat sa San Mig Coffee.
Sa loob ng pitong conferences ay tatlong titulo na ang naibigay niya sa kanyang bagong koponan.
Umaasa si Cone na malaki ang maitutulong ng kanyang import na si James May sa hangarin ng Mixers na mamayagpag din sa Commissioner’s Cup na magsisimula sa Miyerkoles.
Isang buwan nang nasa bansa si Mays at nakikipag-ensayo sa kanila. Si Mays ay produkto ng Clemson University at beterano ng NBA D-League. Siya ay magdidiwang ng ika-27 kaarawan niya sa Lunes, Marso 3.
Si Mays ay naglaro para sa Central African Republic sa nakaraang FIBA African Championship. Siya ay nag-average ng 20.1 puntos, 15 rebounds, dalawang assists at dalawang steals sa torneong iyon.
Si Mays ay may tangkad na 6-9 at puwedeng maglaro bilang sentro at power forward. Kinuha siya ni Cone matapos na hindi pumasok sa height limit na 6-9 si Denzel Bowles na import ng San Mig sa nakaraang dalawang Commissioner’s Cup tournaments.
Ang height limit ng imports sa darating na Commissioner’s Cup ay 6-9 para sa unang walong koponan at 6-11 para sa dalawang teams na hindi nakarating sa quarterfinals ng nakaraang Philippine Cup.
“He’s a good post up player, good passer off the post and a strong guy,” ani Cone.
Si Mays ay unang kinunsidera ng Petron Blaze noong nakaraang season bilang kapalit ng na-ban na si Renaldo Balkman. Subalit minabuti ni Mays na manatili sa NBA D-League at tingnan kung aabot siya sa NBA mismo.
Ni SABRINA PASCUA