HINDI binigo ni Pinoy sensation Marvin “Marvelous” Sonsona ang kanyang fans nang patulugin ang dating kampeon ng mundo na si Akifumi Shimoda ng Japan sa 3rd round.
Isang matinding uppercut ang tumapos sa hapon na sinaksihan ng “jampacked Venetian crowd” na karamihan ay mga Pinoy.
Sa naging panalo ni Sonsona ay nakamit niya ang bakanteng WBO International featherweight title.
At dahil sa impresibong panalong iyon ay posibleng mahanay muli si Sonsona sa pandaigdigang laban sa titulo ngayong taon.
Sa unang dalawang rounds ay tipong si Shimoda ang nagdala ng laban nang magpakawala ito ng mga matitinding suntok. Sa pagkakataong iyon ay nasa defensive mode ang dating kampeon ng mundo na si Sonsona.
Inaakala ng mga nakapanood na patuloy na dodominahin ni Shimoda ang mga susunod pang rounds nang biglang dumating ang malaking pasabog ni Sonsona na uppercut na nagpatimbuwang kay Shimoda.
Si referee Danrex Tapdasan ay hindi na bumilang pa nang makitang halos walang malay sa canvas ang Hapon na boksingero.
Sa panalo ni Sonsona ay nag-imprub ang kanyang record sa 18 wins, 1 loss at 1 draw na may 15 KOs. Samantalang si Shimoda ay bumagsak sa 24-8-2 (12 KOs).