MATAPOS na malimita sa dalawang utos sa Game One ng best-of-seven chamionship series ng PLDT myDSLPBA Philippine Cup sa pagitan ng San Mig Cofffee at Rain or shine, si Ian Sangalang ay nagpakitang-gilas at nagtala na ng double figures sa scoring mula sa Game Two.
Katunayan, si Sangalang ay pinarangalan pa nga bilang Best Player of the game ng Game Four kung saan gumawa siya ng 17 puntos at humugot ng walong ebounds upang tulungan ang Mixers na magwagi, 93-90.
Kahit paano ay masasabing malaki ang naiambag ni Sangalang sa pagragasa ng Mixers.
At ito naman talaga ang inaasahan ni coach Tim Cone nang kunin niya si Sangalang bilang second pick overall sa nakaraang Rookie Draft matapos na sungkitin ng Barangay Ginebra San Miguel bilang top pick ang seven-footer na si Gregory Slaughter.
Kumbaga, after Slaughter, si Sangalang ang “next big thing!”
Kita naman ang pruweba ni Sangalang sa amateur. Tinulungan niya ang San Sebastian Stags na magkampeon sa National Collegiate Athletic Association. Nagwagi siya bilang Most Valuable Player ng NCAA noong 2012. Tinulungan din niya ang NLEX na magkampeon sa unang apat na torneo ng PBA D-League.
Kung tutuusin, sa Tangkad lang naman sila nagkatalo ni Slaughter. Kung seven-footer din si Sangalang, baka nag-isip ang Gin Kings kung sino ang kukunin bilang top pick!
Pero teka, hindi porke’t si Slaughter ang top pick ng nakaraang draft, automatic na siya na ang magiging rookie of the year.
Teka, teka.
Hindi nakarating sa Final ng Philippine Cup ang Barangay Ginebra dahil sa natalo sila sa San Mig na kinabibilangan ni Sangalang.
At maganda nga ang laro ni Sangalang sa Finals.
Kahit paano ay puwedeng masilat ni Sangalang si Slaughter sa labanan para sa ROY!
Sabrina Pascua