Aabot sa 12,000 trak ang hindi bibiyahe ngayong Lunes, Pebrero 24, dahil tuloy ang truck holiday laban sa daytime truck ban na ipatutupad ng Lungsod ng Maynila.
Ayon kay MMDA Chair Francis Tolentino, pumayag na ang Maynila na palawigin ang operating window ng mga truck sa lungsod mula sa orihinal na 9p.m. to 5a.m. lang, bibigyan na rin sila ng window mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.
Pumayag na rin umano ang mga exporter at maging ang Bureau of Customs na mag-adjust sa truck ban.
Ayon naman sa mga trucker, kailangang ibalik ng lungsod ang orihinal na scheme na nakakabiyahe sila ng 15 oras kada araw dahil babagsak umano ang kanilang mga negosyo at mga pabrikang sineserbisyuhan kung lilimitahan lang sa gabi at tanghali ang pagdedeliver.
sa napipintong truck holiday, padadaanin ng Maynila ang mga truck sa innermost southbound lane ng Roxas Boulevard kaya pagbabawalan ang pagkaliwa ng mga sasakyan mula UN Avenue papasok ng Roxas Blvd.
Reaksyon sa truck ban
EXPORTERS, IMPORTERS, TRUCKERS DAPAT TULUNGAN – PALASYO
NANINIWALA ang Palasyo na kailangan tulungan ng pamahalaan ang exporters, importers at truckers na makakilos nang mahusay lalo na’t masigla ang ekonomiya ngayon.
Ito ang reaksyon ni Communciations Secretary Herminio Coloma Jr. kaugnay sa pagpapatupad ng truck ban sa Maynila simula ngayon na sasalubungin ng welga ng truckers group.
“Ayon po kay Secretary Singson, isa sa mga points of attention natin dito ay iyong kapakanan ng mga truckers at exporters dahil nga po kasagsagan ngayon ng pagbulusok ng ating ekonomiya. Mataas po ang ating GDP growth dahil nga masigla ang kalakal, ano, iyong import and export. Marami pong mga movements in and out of the port area. Kinakailangan pong tulungan natin ang ating mga exporters at importers at mga truckers na makakilos nang mahusay habang isinasaalang-alang din iyong epekto ng mga infrastructure projects katulad nung Skyway 3 na sinimulan na noong nakaraang Linggo,” paliwanag ni Coloma.
Magkakaroon aniya ng pagpupulong ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para talakayin ang iba pang mga detalye ng ipinanunukalang truck ban sa Maynila at masinsinan din ang pakikipag-ugnayan nila sa truckers group.
Nauna nang nanindigan ang truckers group na hindi lalabas ang kanilang mga truck simula ngayon o hanggang hindi sinuspinde ang bagong ordinansa sa Maynila na nagbabawal sa kanilang bumiyahe sa mga kalye ng lungsod mula 5 a.m. hanggang p.m. mula Lunes hanggang Sabado , kahit pa magkakaroon ng “window period” na mula 10 a.m. hanggang 3 p.m.
Ipinoprotesta rin nila ang pagpataw ng P5,000 multa sa lalabag sa nasabing ordinansa.
“Alam naman nating lalala yung traffic sa buong Metro Manila dahil doon sa mga construction projects sa daan kaya hindi maiiwasan na yung truck na galing, kunwari, sa Batangas pier ay maiipit sa kalsada. Baka magmadali na lang sa pagmamaneho yung driver para di mahuli sa ban dahil ayaw naman nilang magbayad ng multa,” sabi ni Teddy Gervacio, president ng Integrated North Harbor Truckers Association (INHTA).
(ROSE NOVENARIO)