Nanawagan ang iba’t ibang grupo ng Senior Citizens kay Commission on Elections Chairman Sixto Brillantes na ipatupad na ang utos ng Supreme Court (SC) na iproklama ang da-lawang karapat-dapat na kinatawan ng Senior Citizens Party-List alang-alang sa may walong milyong nakatatanda sa buong Filipinas.
Sa pulong sa Malolos City, Bulacan, iginiit ng mga Senior Citizen sa pangu-nguna ni Samahan ng Nakatatanda sa Malolos (SANMALOS) president Pedro Isip na noong Hulyo 2013 pa iniutos ng SC sa Comelec na iproklama ang dalawang nominado ng Coalition of Association of Senior Citizens of the Philippines, Inc., matapos matamo ang mahigit 676,000 boto sa halalan noong Mayo 2013 pero halos pitong buwan na ang lumipas ay pikit-mata pa rin sinusuway ni Brillantes ang desisyon ng SC.
Naunang iginiit ng SANMALOS na dapat busisiin ng Office of the Ombudsman at imbestigahan ng Department of Justice – National Bureau of Investigation (NBI) kinapuntahan ng P420 milyon Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng Senior Citizens Party-List sa nakaraang 15th Congress na nakaupo sina dating Reps. Godofredo Arquiza at David Kho.
Kinuwestiyon din ng Senior Citizens sa Aliaga, Nueva Ecija ang sinasabing P10-milyon proyekto ng Senior Citizens Party-List sa kanilang bayan dahil apat na haligi at bubong lamang ang ipinatayo roon at hindi gusali.
“Masyadong kawawa ang mga nakatatanda sa buong bansa dahil hindi namin napakinabangan ang P420 milyong PDAF,” sabi ng kinatawan ng Senior Ci-tizens sa Nueva Ecija na si Delfin Joson. “Maraming anomalya sa paggamit sa aming PDAF kaya nagtataka kami kung bakit tinuwaran maging ng Ombudsman ang aming mga reklamo. Ang dapat, makulong ang mga nagwaldas sa pondo namin!”
Kinuwestiyon din nila ang milyon-milyong pondong inilaan ng Senior Ci-tizens Party-List halimbawa para sa Alternative Learning System Program sa Ba-lagtas, Bulacan na kabilang sa benipisyaryo ang “minorities” gayong wala naman tribu sa nasabing bayan.