GENERAL SANTOS CITY – Kinompirma ni assistant trainer Buboy Fernandez na magiging bahagi ng training camp ni 8-division world champion Manny Pacquiao ang three-division world champion na Miguel Cotto (38-4, 31 KOs).
Ayon kay Fernandez, ito ang nabanggit sa kanya ni coach Freddie Roach dahil may nakitang pagkakapareho sa style ni Timothy Bradley si Cotto.
Aniya, posibleng kabilang ang Puerto Rican star sa sparring session ni Pacman ngunit hindi pa tiyak ang petsa kung kailan siya darating sa GenSan.
Dagdag pa ni Fernandez, kung sakali ay malaki ang maitutulong ni Cotto sa training ni Manny.
Sa pahayag pa niya, isang karangalan sa GenSan na may isang boxing world champion na kalaban noon ni Pacquiao, ang mapabibilang sa Team Pacman.
Matatandaang tinalo ni Pacquiao si Cotto via 12th-round technical knockout (TKO) para maagaw ng Pinoy ring icon ang hawak na World Boxing Organization welterweight crown nito noong Nobyembre 14, 2009.
Huling laban ni Cotto na siya ay nanalo sa ilalim ng bagong trainer na si Roach ay noong Oktubre nang nakalipas na taon kontra kay Delvin Rodriguez via third round knockout.
Posibleng sunod na pag-akyat sa ring ni Cotto, na lumalaban mula pa noong 2010 sa junior middleweight, ay sa Hunyo.
Samantala, ang Pacquiao-Bradley fight ay gaganapin sa
MGM Grand Garden Arena, Las Vegas, Nevada sa Abril 13.