IMBES sisterhood at magkatuwang na programang magpapaunlad kapwa sa mga lungsod ng Maynila at Honolulu, Hawaii ang talakayin, walang ibang binanggit ang alkalde ng Maynila kundi ang CCTV camera at Divisoria.
Ang nasabing speech ni Mayor Joseph “Erap” Estrada ay binasa niya sa harap ng delegasyon mula sa Hawaii na dumalo sa okasyon sa Manila Hotel, kahapon.
Ayon sa isang bisita, na tumangging magpabanggit ng pangalan, kitang-kita ang pagkadesmaya sa mukha ni Honolulu Mayor Kirk Caldwell dahil bukod sa binabasa lang ni Erap ang kanyang speech ay hindi pa umano maintindihan.
“Alam n’yo naman mag-speech si Erap, parang kinakain ang salita, kaya nga dapat hindi niya binabasa kundi kinakabisado dapat niya,” anang bisita.
Anang source, pinagtawanan din umano ng media si Erap pagkatapos magsalita dahil imbes negosyo at turismo o relasyong historikal ng Maynila at Honolulu ang pag-usapan, CCTV, truck ban at Divisoria ang paulit-ulit na binanggit sa kanyang speech.
Pero binawi ng bisita ang pahayag dahil hindi naman umano kasalanan ni Erap.
“Halatang-halata naman na binasa lang niya ang speech niya. Sorry na lang siya at napakabobo ng nagsulat ng speech niya,” pahayag ng bisita.
Iminungkahi rin ng bisita na hangga’t maaga ay palitan ni Erap ang speechwriter niya dahil kung hindi ay baka doon siya masilat.
Ilang media entity rin ang nagpahayag ng pagkadesmaya sa speech ni Erap. (NIÑO ACLAN)