INIREKLAMO ng pambubugbog at panggugulo ang isang grupong nagpakilalang mga tauhan at pulis ni Manila Mayor Joseph Erap Estrada, sa isang watering hole sa Ermita, Maynila, kamakailan.
Nagtungo sa himpilan ng Manila Police District Station 5, ang pamilya kasama ang biktima, na alyas Buboy P, umano’y pinagtripan ng grupo ng nagpakilalang si PO2 Rene Lagrimas, ng Manila Action and Special Assignment (MASA), kasama ang mga tauhan umano ni Mayor Erap.
Madaling araw ng Martes naganap ang insidente sa Cowboy Grill, nang mapagtripan ng grupo ni Lagrimas ang ilang sibilyan na customer sa lugar.
Sa salaysay ng biktima, masaya silang nag-iinuman nang dumaan ang isa sa apat na kasamahan ng pulis at sinipa ang inuupang silya ng kasama ng biktima.
Kasunod nito, lumapit umano ang limang kalalakihan sa grupo ng biktima at sinabing mga “Gago pala kayo, hindi n’yo ba kami kilala? Gusto n’yong patayin ko kayo ngayon dito?’
Tumayo ang grupo ng biktima at nanghingi ng paumanhin sa nagpakilalang grupo ng pulis-MASA.
Mabilis sinagot ng biktimang si Buboy P. na ‘hindi po ako pulis sir pasensya na sir,’ sabay talikod.
Kasunod nito, pinagmumumura umano siya ni Lagrimas at pinagsu-suntok sa likuran at hinila pabalik sa mesa ng kanilang grupo.
Sa takot ng biktima, umalis siya at lumayo sa grupo ni Lagrimas saka dumeretso sa himpilan ng MPD-PS-5.
Nagresponde ang tauhan ni PS5 Supt. Alex Yanquiling sa naturang lugar, pero hindi inabutan ang grupong nagpakilalang mga tauhan ni Mayor Erap.
Dumulog na rin sa MPD-General Assignment Section ang biktima para sa pagsasampa ng kaukulang reklamo laban sa sigang pulis at sa grupo nito.
(BRIAN GEM BILASANO)