HINDI sumipot sa unang araw ng pagdinig sa Department of Justice (DoJ) sina Deniece Cornejo, Cedric Lee, Bernice Lee at limang iba pang kinasuhan ng TV host-actor na si Vhong Navarro.
Tanging ang abogado ng tatlo na si Atty. Arleo Magtibay ang dumalo sa preliminary investigation.
Ayon kay Magtibay, dumalo sina Cornejo at ang magkapatid na Lee sa pagdinig sa Taguig Regional Trial Court kaugnay ng isinampa nilang petition for temporary protection order (TPO) at gag order.
Binigyan naman ng NBI ang panel of prosecutors na pinangungunahan ni Asst. State Prosecutor Hazel Valdez, ng mga CD na naglalaman ng CCTV footages na kuha mula sa Forbes-woods Heights sa Taguig City noong Enero 17, 22 at 23.
Napag-alaman na noong Enero 17 ang unang pagkakataon na pinuntahan ni Navarro sa kanyang condo unit si Cornejo, at Eenero 22 naman ang ikalawang beses na nagtungo siya sa lugar at nangyari ang pambubugbog sa kanya ng grupo ni Cedric Lee.
Nagbigay rin ang NBI ng kopya ng supplemental affidavit ng security guards ng Megaforce na nakatalaga sa Forbeswoods Heights nang mangyari ang pambubugbog, at ang supplemental affidavit ng mga police officer ng Southern Police District na nakatalaga noong magpa-blotter si Navarro.