PAKIKILUSIN ng Malacañang ang Department of Health (DoH) para tugunan ang pangangailangan ng mga gamot sa mga liblib na isla sa Palawan at maging sa lalawigan ng Masbate.
Magugunitang napaulat na mistulang nakalimutan ng gobyerno ang paghahatid ng serbisyo sa nabanggit na mga lugar lalo na sa programang pangkalusugan dahil hindi sila nasasayaran man lang ng mga gamot mula sa DoH.
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma, may mga tanggapan ang DoH sa 81 lalawigan sa bansa kaya nakapagtatakang may mga liblib na lugar at mga islang hindi pa nararating ng serbisyo ng gobyerno.
Imumungkahi ng Malacañang kay Health Sec. Enrique Ona na punta-han ang mga malalayong lugar para mabatid ang kondisyon ng mga mamamayan nangangailangan ng atensyon ng gobyerno. (HNT)