MAY dalawang pagkakataon na personal na inihatid ni potential state witness Ruby Tuason ang sinasabing “kickbacks” ni Sen. Jinggoy Estrada mula sa mga ipinasok niyang proyekto sa mga non-governmental organizations ng pork barrel scam queen na si Janet Lim-Napoles.
Sa pagharap niya sa Senate blue ribbon committee, kalmado ang mukha ng dating presidential social secretary habang ikinukwento ang mga sirkumstansya, simula sa pagkakilala nila ni Napoles hanggang sa mga proyekto ng senador.
Ayon kay Tuason, taon 2004 nang makilala niya si Napoles sa pamamagitan ng kanyang dating asawa.
Hiniling aniya sa kanya ng negosyante na maipakilala kay Estrada dahil may ilang government projects siyang hinahawakan.
Sa unang pagkakataon, nagpasok ang mambabatas ng P37-milyon halaga ng project, at P5.7-milyon ang ‘commission’ para rito.
Ngunit ayon kay Tuason, hindi aniya natuloy ang proyekto dahil isinauli ni Estrada ang nasabing pera.
“Tinanong ko si (Sen.) Jinggoy, bakit? Sabi niya, ‘wag na lang,” ayon kay Tuason.
Dagdag ni Tuason, taon 2007 nangyari ang “full transaction” ni Napoles kay Estrada, at tumanggap ang mambabatas ng P25-million commission mula sa kanyang ‘pork barrel’ funds na inilaan sa Technology and Livelihood Resource Center (TLRC).
Sa paghatid aniya ng pera sa tanggapan ng mambabatas, dumaraan siya sa basement ng Senate building para makaiwas sa inspeksyon ng mga gwardiya at kung minsan ay sinusundo siya ng isa sa mga tauhan ng senador.
“Mabigat ‘yung pera. I used that hand-carried bag, ‘yung may gulong. If the amount is small, like P1 million or P2 million, kasya in my bag. That will fit in my bag. If it’s bigger than that, we need a big bag,” ani Tuason.
TESTIMONYA NI TUASON BULLSEYE — MIRIAM
KUNG “slam dunk” ang termino ni Justice Sec. Leila Delima, tinawag naman “bullseye” ni Sen. Miriam Defensor-Santiago ang mga testimonya ni Ruby Tuason, ang panibagong testigo na aniya’y tiyak na walang kawala ang mga sangkot sa kontrobersyal na multi-billion peso pork barrel scam kabilang na sina Senators Jinggoy Estrada at Sen. Juan Ponce Enrile.
Si Santiago ay dumalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, at tinawag niyang “perfect witness” si Tuason dahil “eye witness” o personal na nakita ang anomalya na kinasasangkutan ng ilang senador.
Partikular na tinukoy ni Santiago ang testimonya ni Tuason nang ibunyag na personal niyang inihatid ang pera sa tanggapan ni Sen. Estrada sa Senado, at siya rin ang personal na nagbigay ng pera para kay Enrile sa pamamagitan ng chief of staff na si Atty. Gigi Reyes, bilang kickbacks ng pork barrel scam mula kay Janet Lim-Napoles.
Ani Santiago, kahit patayin si Tuason ay mananatiling buhay ang sinumpaan niyang salaysay na magdidiin sa mga akusado.
KUNG WALANG IMMUNITY MAS GUSTO PANG MAMATAY NI RUBY
BUNSOD ng usig ng konsensya sa nagawang kasalanan sa taongbayan, tahasang inihayag ni Ruby Tuason na mas nakabubuting mamatay na lamang siya sakaling hindi mabibigyan ng “immunity” sa Ombudsman.
Sa pagharap ni Tuason sa mga miyembro ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi niyang hihilingin niya sa Maykapal na mas makabubuting mamatay na lamang siya.
Ito’y kahit na bawian aniya siya ng buhay sa pamamagitan ng heart attack o high blood habang nasa kulungan.
Una nang inamin ni Tuason na ang kanyang paglantad ay dahil sa konsensya kaya halos-halos araw-araw ay nagdadasal at pumupunta ng simbahan upang humingi ng tawad sa kanyang nagawang kasalanan.
“If I don’t get immunity, I’d ask the Lord to take me. I’d rather die. I’d die anyway of heart attack, high blood in jail,” ani Tuason.
SENATE SECURITY BUBUSISIIN SA KICKBACKS DELIVERY
PINAIIMBESTIGAHAN ni Sen. Miriam Defensor-Santiago sa pamunuan ng Senado ang mga gwardya ng kapulungan na nakatalagang duty sa panahon na inihatid ni Ruby Tuason ang sinasabing kickbacks ni Sen. Jinggoy Estrada mula sa pork barrel scam sa tanggapan ng mambabatas.
Ayon kay Santiago, malinaw na hindi ginagawa ng security guards ang trabaho nila nang hayaan makalusot si Tuason na hindi man lamang binusisi ang dalang bulto-bultong pera para sa senador.
nina CYNTHIA MARTIN/NIÑO ACLAN