BUMUSLO ng dalawang free throws si Mark “The Spark” Caguiao para ihanda ang Barangay Ginebra Gin Kings sa Game 7 do-or-die matapos ang 94-91 panalo laban sa San Mig Coffee Mixers sa Game 6 ng PLDT MyDsl-PBA Philippine Cup semifinals sa Smart Araneta Coliseum Lunes ng gabi..
Tinabla ng Gin Kings ang serye sa 3-3 matapos habulin ang 14 points na nilamang ng Mixers sa first half.
Abante muna ang Mixers, 91-90 subalit pinasok ni Caguiao ang pandiin na dalawang free throw upang ilagay ang Gin Kings sa ibabaw, 91-92 may 16 segundo na lang sa orasan.
Tinanghal na best player of the Game si Greg Slaughter matapos magsumite ng 20 points at 11 rebounds at ipuwersa ang Ginebra sa do-or-die game.
Nasa unahan ang Ginebra nang bumira ng three-point play si PJ Simon para ibalik sa Mixers ang lamang, 88-89 may dalawang minuto na lang sa payoff period.
Naagaw ng crowd favorite Ginebra ang manibela sa kaagahan ng fourth, 75-74 sa isang pull up jumper ni Caguiao subalit binawi agad ng Mixers matapos ang short jumper ni Ian Sangalang.
Gumanda ang opensa ng Gin Kings sa third period kaya natapyasan sa isang puntos ang kanilang hinahabol papasok ng fourth.
Bago matapos ang third canto naisalpak ni LA Tenorio ang kanyang three-point shot para ilapit ang Ginebra, 73-74.
Nakakapit ang Gin Kings sa first canto subalit sa second quarter ay kumalas ang Mixers matapos magsanib sina Mark Barroca at rookies Justin Melton at Ian Sangalang.
Dalawang puntos lang ang lamang ng San Mig Coffee sa first quarter, 24-22 subalit naging siyam ito sa half time, 50-41.
Sa pagbubukas ng second period humigop ng 13-4 run ang Mixers upang itarak ang 37-26 abante.
Naisalpak ni Barroca ang naagaw nitong bola upang ilista ang pinakamalaking lamang ng San Mig, 46-32 may 3:18 pa ang natitirang oras sa second canto.
Ngayong alas otso ng gabi sa pareho ring lugar ay magkakaalaman kung sino sa kanila ang sasampa sa Finals kontra naghihintay na Rain or Shine Elasto Painters.
(ARABELA PRINCESS DAWA)