INAALAM pa ng pulisya ang motibo sa naganap na pananambang sa mag-anak na Chinese kamakalawa ng hapon sa Andrews AvenuePasay City.
Sinabi ni Pasay City police chief, Sr. Supt. Florencio Ortilla, patuloy ang imbestigasyon kaugnay sa pananambang sa pamilya Sy.
Patuloy na inoobserbahan ang mag-asawa sa isang pagamutan na sina Minjiang Sy, 48; misis na si Kim Sham Hong, 43, at ang mga anak na sina Jai Mae Hong, 20, at Wesley, 6-anyos, ay nasa mabuting kalagayan.
Ayon kay P/Chief Inspector Joey Goforth, dakong 4:30 ng hapon nang tambangan ang mag-anak lulan ng kanilang sasakyan, sa southbound lane sa Andrews Avenue, kamakalawa ng hapon .
Narekober ng pulisya ang walong basyo ng bala ng kalibre .45 baril sa lugar ng krimen.
(JAJA GARCIA)
PARAK PATAY SA TANDEM
NAGAWANG sagipin ng isang amang pulis ang buhay ng dalawa niyang anak na kaangkas niya sa motoriklo, nang pagbabarilin siya ng mga suspek sakay ng motorsiklo, kahapon ng umaga sa Pasay City.
Kinilala ni Pasay city police chief Sr. Supt. Florencio Ortilla, ang biktimang si PO3 Alih Butal, nakatalaga sa National Capital Region Police Office (NCRPO) at dating nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP-6) Pasay police.
Namatay si Butal sanhi ng mga tama ng bala sa ulo at iba’t ibang parte ng katawan.
Sa imbestigasyon ni Marlon Golondrina ng Investigation Detective & Management Section (IDMS), nangyari ang pamamaril dakong 9:00 ng umaga sa Aurora Blvd. kanto ng Legaspi St., ng siyudad.
Minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo (TU-5408) kaangkas ang dalawang anak upang magsimba, nang sumulpot galing likuran ang mga suspek na lulan ng motorsiklo na walang plaka at agad pinagbabaril ang biktima.
Para hindi madamay ang kanyang mga anak, niyakap niya ang dalawa hanggang bumagsak sa motorsiklo na dagan-dagan ng biktima .
Rumesponde agad ang mga tauhan ni P/Chief Insp. Felimon Cacap, pero hindi nila naabutan ang mga suspek na tumakas patungong Andrews Avenue ng lungsod.
Ayon sa tiyahin ng biktima, wala siyang alam na kaaway ang pamangkin.
(JAJA GARCIA)