Isinisisi ng Florida Transport sa makapal na ulap at makipot na daan ang pagkalaglag sa bangin ng isa sa mga bus na ikinamatay ng 15 pasahero kabilang ang komedyanteng si Tado Jimenez nitong Pebrero 7.
Ayon kay Atty. Alexander Versoza, legal counsel ng Florida Transport, miscalculation lang ang naganap dala ng makipot na daan at makapal na ulap.
Pero base sa inisyal na imbestigasyon ng awtoridad, posibleng nawalan ng preno ang bus nang dumaan ito sa mabatong lugar hanggang nalaglag sa bangin.
Dumipensa ang kampo ng Florida na hindi sanhi ng aksidente ang pagkakaroon ng loose brake ng bus.
Giit nito, may maxi-brake system ang kanilang mga bus na nagsisilbing back-up sakaling mawalan ito ng preno o masiraan ng makina.
Tiniyak din ng drayber ng bus na si Edgar Renon, wala siyang pagkukulang sa naganap na insidente.
Pinaabot pa rin ng prangkisa ang pakikiramay at humihingi sila ng pang-unawa mula sa pamilya ng mga namatay at sa mga nasugatan.
“Du’n sa mga biktima lalo na sa pamilya nung mga namatay, humihingi ng pang-uunawa ang kompanya, nagkataong aksidente ito. On the other hand, nakikipagtulungan ‘yung kompanya para sa mga pangangailangan nila.”
Sinagot ng kompanya ang mga bayarin sa ospital at pamasahe ng mga naaksidente pabalik ng Maynila at inasikaso na ang dalawa sa mga namatay at naiuwi na sa Samal at Davao.
PLAKA TINANGGAL NA
INUMPISAHAN nang tanggalin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga plaka ng bus units ng GV Florida Bus, matapos ang aksidenteng kinasangkutan ng kanilang bus.
Si LTFRB Chair Winston Ginez ang nanguna sa pagbabaklas ng mga plaka sa terminal ng bus sa Sampaloc, Maynila.
May kabuuang 208 units ang Florida Bus pero 27 lang ang nasa Sampaloc dahil ang iba’y nasa mga terminal sa probinsya.
Dadalhin ang mga bus sa Land Transportation Office (LTO) compound para isalang sa road worthiness test habang isasailalim ang mga drayber sa drug test at seminar.
Ani Ginez, sisikapin nilang madesisyonan ang kaso ng Florida Bus bago matapos ang 30-araw preventive suspension ditto.
Inaalam din ng LTFRB ang umano’y pagiging kolorum ng bus na nahulog sa bangin dahil nakapangalan ito sa Mt. Province Cable Tours na kinompirma ni Atty. Alexander Versoza, legal counsel ng Florida bus, ay pag-aari ang Mt. Province Cable Tours ni Norberto Que, Sr.
Tiniyak ng Florida Bus na haharapin nila ang kaso.