NAGMAMATYAG ang anti-drug operatives sa Western Visayas laban sa bagong party drug na sinasabing higit na matapang at nakamamatay.
Sinabi ng Philippine Drug Enforcement Agency, ang bagong “Fly High” drug ay pinaghalong ecstacy, methamphetamine hydrochloride (shabu) at Chinese Viagra.
Inihayag ni PDEA Western Visayas Director Paul Ledesma, ang bagong droga ay nasa capsule form at may iba’t ibang kulay.
Ayon sa inisyal na impormasyon, sinabi ng PDEA na ang bagong droga na nagiging tanyag na sa party-goers, ay nagkakahalaga ng P3,000 bawat kapsula.
Dagdag ng PDEA, bineberipika pa nila ang mga ulat na isang tao ang dumanas ng cardiac arrest bunsod ng pagka-overdose sa nasabing droga.
Inihayag ni Ledesma, ang ecstasy-shabu combination ay dark green ang kulay habang light green at brown ang kapsula na nagtataglay ng ephedrine, ang component ng shabu.
Nabatid sa imbestigasyon, ang gumagamit ng “Fly High” drug ay tumataas ang sexual libido at hindi nakadarama ng gutom at pagkahilo ng hanggang limang araw.
Gayonman, ang overdose ay posibleng magdulot ng atake sa puso.
Ayon pa kay Ledesda, ang “Fly High” ay ipinakilala sa Iloilo City sa ginanap na Dinagyang Festival nitong nakaraang buwan. (HNT)