NANGYAYARI talaga iyon!
Iyan ang opinyon ng mga basketball observers patungkol sa lay-up ni LA Tenorio sa huling segundo ng laro ng Barangay Ginebra San Miguel at San Mig Coffee noong Sabado kung saan nagwagi ang Mixers, 79-76.
Lay-up ba talaga ang kailangan ng Gin Kings gayung tatlong puntos ang abante ng mixers?
Pumasok man ang lay-up, talo pa rin ang Barangay Ginebra, 79-78. Hindi ba?
Sa puntong iyon kasi’y ang kailangan ng Gin Kings ay isang three-point shot upang maitabla ang laro at mapuwersa ang overtime.
So, bakit lay-up ang ginawa ni Tenorio matapos na maipasok ni Justin Melton ang kanyang free throw sa kabilang dulo ng court? Puwede namang tumigil sa three-point area at ibalibag ang bola. Kung pumasok, overtime! Kung hindi, wala tayong magagawa. At least sinubukan.
Hindi ba’t ganito din ang nangyari sa Game Four kung saan matapos makalamang ang Gin Kings, 85-82 ay tumira buhat sa three-point area si James Yap subalit nagmintis sabay ng pagtunog ng final buzzer. Walang overtime. Talo ang San Mig Coffee.
“Were you not surprised that LA tenorio went for a lay-up instead of taking a three-point shot at the buzzer?” tanong ng isang sportswriter kay San Mig Coffee coach Tim Cone sa interview matapos ang laro.
“I looked at the scoreboard. I knew we had a three-point lead. I had second thoughts. Was it really a three-point lead or just a two point lead? Sometimes you get confused,” ani Cone.
Naalala tuloy niya ang isang game kung saan akala niya’y natalo sila subalit nanalo pala sila ng isang puntos. Galit na galit daw siya pero inakbayan siya ni Jojo Lastimosa at tinanong kung bakit? Hindi raw niya kasi alam na nanalo sila.
“It happens!”
Wala rin sigurong masasabi si Barangay Ginebra coach Renato Agustin. Ipagdarasal na lang niya na huwag maulit iyon!
Sabrina Pascua