BAGUIO CITY – Umakyat na sa 14 katao, kabilang ang dalawang dayuhan, ang bilang ng kompirmadong namatay sa pagkahulog ng isang bus sa Sitio Pagang, Brgy. Talubin, Bontoc, Mt. Province.
Kabilang sa mga namatay ang alagad ng sining na sumikat bilang komedyante na si Arvin “Tado” Jimenez, 39-anyos.
Ayon kay Supt. Ramil Sacules, deputy provincial director for administration ng Bontoc MPS, bukod sa mga namatay, umabot pa sa 29 ang sugatan na isinugod sa Bontoc General Hospital.
Ang mga biktima ay pawang mga pasahero ng Florida bus (TXT 872).
Ang bus ay nahulog sa lalim na 150 meters na bangin kahapon ng umaga.
Napag-alaman, 50 pasahero ang lulan ng nasabing bus galing ng Sampaloc, Maynila at patungo sana sa nasabing probinsya.
Sinabi pa ni Col. Sacules, halos mahati ang bus dahil sa pagkahulog nito sa malalim na bangin.
Bukod dito, tumilapon din ang ibang mga pasahero dahil sa pagkahulog ng bus kaya’t nahirapan sila sa rescue operation.
BIO-EULOGY PAHIMAKAS
Noong 2012, nai-release ang bagong aklat ni Tado na “Bio-Eulogy.”
Sa 33rd Manila International Book Fair (MIBF) launch noong Agosto 29, 2012 ibinahagi ni Tado ang kanyang pananaw kaugnay sa showbiz sa kanyang unang aklat na “Nag-iisa lang ako: Ang pangatlo sa huling libro,” at “Bio-Eulogy ni Tado Jimenez.”
“Yun nga problema sakin, e. Masyadong strong ‘yung character ko na kung i-partner mo ‘ko kay Jericho Rosales, baka matabunan sya. Ganung tipo,” pabirong pahayag ni Tado. “Yung character ko din naman kasi, hindi naman—kumbaga, namimili, e. Hindi ako pwedeng isaksak nang basta na lang so it’s a season. ‘Pag sinabi nating season pana-panahon lang ‘yan.
“Kumbaga, mahirap syang i-fit… Madalas nga hindi na pinapabago yung pangalan ko. Sa mismong pangalan sa teleserye, Tado na rin. Nalilito na rin talaga ako, wala na akong acting-acting, e. Ganun na, e. Come as you are,” aniya.
Ang come-as-you-are attitude ay naipakita ni Tado sa kanyang unang aklat, “Nag-iisa lang ako,” na aniya’y koleksiyon ng kanyang mga naiisip.
“Dumami na lang. Akalain ko bang ‘yung magiging ganun, e, maka-create ng libro.”
Ang “Bio-Eulogy” ay koleksyon ng “eulogies” ng kanyang mga kaibigan para kay Tado.
“Ano yun, ah, pinagkakitaan ko lang yung mga idea ng iba. Yung mga kaibigan ko, ‘oy sulat kayo kung anong pagkakilala n’yo sa’kin,’ aniya. “Gusto ko kasi ang mangyaring lumabas, biography ko, nanggaling sa iba’t ibang tao, iba’t ibang version, iba’t ibang year.
ni BETH JULIAN