IYON ang panalong hindi masarap. Yun bang kahit na nanalo ka ay hindi ka kuntento.
Ito ang palagay ng ilang mga nakasaksi sa laro ng Barangay Ginebra San Miguel at San Mig Coffee noong Miyerkoles.
Naungusan ng Gin Kings ang Mixers, 85-82 upang itabla ang best-of-seven semifinals series sa 2-all. Bale best-of-three na lang ang duwelo nila.
Kaya naman nasabing walang sarap ang panalo ay dahil sa nakapanakot pa ang Mixers.
Biruin mong nakalamang ng 16 puntos ang Barangay Ginebra sa third quarter ng laro.
Pero nagsagawa ng 18-0 atake ang San Mig Coffee upang makuha pa ang kalamangan at maging dikdikan ang laban.
Ano ba iyan?
E kung tutuusin nga ay breaks of the game na lang ang ipinanalo ng Gin Kings. Nagmintis sa kani-kanilang free throws sina Ian Sangalang at two-time Most Valuable Player James Yap sa endgame. Hindi kaagad nagbigay ng foul si Marc Pingris sa dying seconds upang pigilan ang oras at hamunin na lang sa free throw line ang Gin Kings. Kasi limang fouls na si Pingris at ayaw niyang isakrippisyo ang sarili niya.
Tuloy ay anim na segundo na lang ang nalabi matapos ang dalawang free throws ni LA Tenorio na nagbigay ng three-point lead sa Gin Kings.
Pero muntik pang pumasok ang three-point shot ni Yap sabay sa pagtunog ng final buzzer.
Kung pumasok, e di overtime sana. At baka may kinalagyan ang Barangay Ginebra!
Kaya naman kahit na nanalo sila, malamang na hindi naging maayos ang pagtulog ni coach Renato Agustin. Malamang na kung sinu-ano ang naisip niya habang pabaling-baling sa kama.
At tiyak na pagsasabihan niya ang kanyang mga bata sa mga susunod na ensayo bilang paghahanda sa Game Five.
Hindi ubra na ulitin ang kanilang ginawa sa Game Four kung hangad nilang makarating sa finals.
Sabrina Pascua