KINOMPIRMA ni Maguindanao Gov. Esmael “Toto” Mangudadatu na may ilang mga suspek sa Maguindanao massacre ang umanib na sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Ang iba aniya ay nanguna pa sa sagupaan at nagpasabog ng mga bomba sa Maguindanao at North Cotabato.
Sinabi ni Mangudadatu, mismong ang nambomba sa Mamasapano ay suspek sa November 23, 2009 massacre, ayon sa mga awtoridad.
Ayon kay Mangudadatu, si Komander Jury Manibpel ng Al-Place Udtong, Mariano Marcos, Datu Piang, Maguindanao, tauhan ni Bahnarin Ampatuan, na nagsagawa ng pambobomba sa Mamasapano, ay nakipagsanib pwersa sa BIFF na kabilang sa grupo ni BIFF Komander Ameril Umbra Kato.
Bukod kay Jury ay may iba pa aniyang mga suspek na hindi pa naaaresto ng pulisya, ang sumama na rin sa grupo.
“Yes, meron na, ‘yung nagbomba sa Mamasapano. Isa sa Maguindanao massacre suspect,” ani Mangudadatu.