MARIING tinutulan ng Simbahang Katoliko sa Filipinas ang pagsasapribado ng Philippine Orthopedic Center.
Ayon kay Rev. Fr. Dan Cansino, Executive Secretary ng CBCP Episcopal Commission on Health Care, ang pagsasapribado ng orthopedic hospital ay labag sa “morals and quality of life” sapagkat mapipigilan nito ang mga may sakit lalo na ang mahihirap na makapagpagamot.
Ang Philippine Orthopedic Center ay itinayo para sa mga mahihirap at responsibilidad ng gobyerno na tulungan sila kaya hindi ito dapat ipasa sa mga pribadong kompanya, aniya.
Binigyan-diin ng pari na ang pagkakaroon ng maayos na kalusugan ay karapatan ng isang mamamayan na pinapangalagaan ng Saligang Batas ng Filipinas kaya responsibilidad ng pamahalaan na ipagkaloob ito sa taong bayan.
Tiniyak ng komisyon na nakikipagdayalogo sila sa iba’t ibang grupo na tutol sa privatization ng Philippine Orthopedic Center at susuportahan ang petisyon sa Korte Suprema para tutulan ang nasabing plano.
Batay sa ulat, oras matuloy ang proyekto, 70 beds lang ang ilalaan sa mga indigent patients, 420 beds para sa sa mga pasyenteng mayroong PhilHealth.
Maaari rin tanggihan ng bagong management ang mga non-paying patients sakaling puno na ang 70 higaan at posibleng mawalan ng trabaho ang ilang empleyado ng naturang ospital.
(leonard basilio)