UMAASA ang Makabayan bloc na matutuldukan na ang pang-aabuso ng mga ganid sa kapangyarihan at maging ang nabababoy na party-list system.
Ayon kina representatives Neri Colmenares (Bayan Muna), Carlos Isagani Zarate (Bayan Muna), Luzviminda Ilagan (Gabriela), Emmi de Jesus (Gabriela), Antonio Tinio (ACT-Teachers), Fernando Hicap (Anakpawis) at Terry Ridon (Kabataan), dapat matiyak na marginalized at under represented sector sa lipunan ang tanging kuwalipikado sa party-list.
Sa House Bill (H.B.) 179 na tatawaging Genuine Party-List Group and Nominee Act, dapat dumaan sa public hearing na isasagawa ng Commission on Elections ang lahat ng grupo na gustong mapabilang sa party-list kung sila nga ay marginalized at underrated sectors.
Nais din amyendahan o baguhin ng nasabing House Bill ang Section 9 ng Republic Act 794, na magdidiskuwalipika sa mga party-list nominee na dating mayor, vice-mayor, governor, congressman, senator, vice-president at president.
Hindi rin puwedeng inomina ang sinomang may kamag-anak sa ikatlong antas (third degree), o may relasyon sa nakaupong government officials.
Bawal rin maging nominee ang mga naging Gabinete, Provincial Director ng PNP, commander ng AFP o anomang mataas na posisyon na kanilang ipinag-lingkod sa pamahalaan, pati na ang sinoman na may mas mataas na suweldo kaysa sahod ng party-list congressman.
(JETHRO SINOCRUZ)