UMAKYAT ng 26 porsyento ang bilang ng mga insidente ng panggagahasa ng mga bata noong 2013, kompara noong 2012, ayon sa data ng Philippine National Police Directorate for Investigation and Detective Management branch.
Aabot sa 3,355 ang mga batang ginahasa noong 2012, samantalang pumatak sa 4,234 ang mga biktima noong 2013.
Batay sa datos ng PNP-DIDM, tumaas din ang bilang ng mga teenager na ginahasa mula 305 noong 2012 kompara sa 406 noong 2013.
Para kay Sr. Supt. Eddie Benigay, umabot na sa punto na kahit sino na lamang ay maaaring maging rapist.
“Wala iyon sa sinasabi na… itong taong ito ganito ito, ingatan mo ito. Hindi pupuwede iyon. Minsan nga iyong iba diyan tahimik lang pero matindi,” sabi ni Benigay.
Nababahala na ang PNP sa pagtaas ng bilang ng karahasan laban sa mga kabataan. Noong Enero pa lamang, tatlong insidente na ang naitala.
Kamakailan lamang ay isang suspek ang hinuli matapos gahasain at patayin ang isang 7-anyos batang babae sa Bukidnon.
Ang suspek na sinasabing may problema sa pag-iisip ay nakitang magmamadaling tumakbo palayo sa crime scene noong Enero 30.
Sa tulong ng mga kapitbahay, natunton ang kinaroroonan ng suspek.
Nalaman din na may criminal record na ang suspek noon para sa tangkang panggagahasa.
Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group, karamihan ng mga biktima ng rape ay kilala ang suspek.
“Based doon sa nakikita ko sa records… [kadalasan] kakilala [ang suspek]. Sabihin natin na lang na 70 [is to] 30,” sabi ni Sr. Supt Juanita Nebran ng CIDG.
Ayon pa kay Nebran, kadalasang nakikilala ng mga biktima ang mga suspek sa social networking sites.
Para sa mas maigting na proteksyon, pinayuhan ni Nebran ang mga magulang na maging mas responsable sa pagpapalaki ng mga anak nila sa gitna ng nagbabagong panahon.
HATAW News Team