Arestado ang 10 Koreano sa East Tower, One Serendra Condominium sa Fort Bonifacio Global City, Taguig dahil sa ilegal na operasyon ng sugal, Martes ng umaga.
Sa bisa ng search warrant, hinalughog ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group Cyber Response Team (PNP-CRT), ang magkahiwalay na unit ng gusali at dinampot ang walong lalaki at dalawang babaeng Koreano, na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9287 o Act Increasing the Penalties for Illegal Number Games.
Narekober sa mga Koreano ang ilang passbook, cellphones, identification cards, desktop computers, laptops, network devices, telephone sets at iba pa, na hinihinalang gamit sa online gambling operations.
Ayon kay PNP Anti-Cybercrime Group Director Gilbert Sosa, nag-ugat ang operasyon sa sulat mula sa INTERPOL South Korea, may petsang Disyembre 14, 2012, na humihiling sa pagtugis sa walong puganteng Koreano na sangkot sa ilegal na sugal at nagtatago umano sa Filipinas.
Dalawa sa mga natimbog ang kinilalang sina Lee Youn Ju at Jin Ho Lee.
HATAW News Team