COTABATO CITY – Tiniyak ni Maguindanao Governor Esmael “Toto” Mangudadatu na ligtas na ang sitwasyon ng ilang mamamahayag na nagkataong dumaan nang mangyari ang roadside bombing sa hangganan ng mga bayan ng Rajah Buayan at Mamasapano, Maguindanao.
Ayon kay Mangudadatu, nagkataon na dumaan ang convoy ng media na kinabibilangan ng ABS-CBN, GMA7 at TV5 nang maganap ang pagsabog na tinatayang 100 metro mula sa kalsada.
Ayon kay 6th Infantry Division Philippine Army spokesman Col. Dickson Hermoso, ang pambobomba ay kagagawan ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Sinasabing target ng nasabing pagpapasabog ang truck ng militar na dadaan sa nabanggit na lugar.
Una rito, nagbabala si Bangsamoro Islamic Freedom Movement (BIFM) Spokesman Abu Misry Mama sa mga mamamahayag na huwag sumakay sa mga sasakyan ng sundalo o kaya makisabay sa convoy kung ayaw madamay sa kanilang pag-atake. (HNT)