PORMAL nang hiniling ng kampo nina Deniece Cornejo at Cedric Lee sa Department of Justice (DoJ) na magpalabas ng lookout bulletin order laban sa TV host/actor na si Vhong Navarro.
Ayon kay Atty. Howard Calleja, abogado nina Cedric, ito ay bilang pagsaalang-alang sa prinsipyo ng pagiging patas dahil ang kanyang mga kliyente ay nauna nang isinailalim sa lookout bulletin makaraang hilingin ng kampo ni Navarro.
Iginiit ni Calleja, mabigat na kaso rin ang panggagahasa na isinampa ni Cornejo laban kay Navarro at ito ay non-bailable offense na maaaring gamiting batayan ng lookout order laban sa aktor.
Samantala, itinakda na ng DoJ ang pagdinig para sa kasong inihain ni Navarro laban kina Cornejo, Cedric Lee at anim na iba pa.
Sa subpoena na ipinalabas ng panel na may hawak ng kaso, ang pagdinig ay itinakda sa Pebrero 14 at 21, 2014.
Kaugnay nito, pinadalhan na ng panel of prosecutors ng subpoena ang kampo nina Cornejo, Cedric Lee, Berniece Lee, Ferdinand Guerrero, Zimmer Rance at iba pang respondent sa kaso.
Noong nakalipas na linggo, naghain ang kampo ni Navarro ng reklamong serious illegal detention, serious physical injuries, grave threat, grave coercion, illegal arrest at blackmail laban kina Cornejo. (HNT)