DALAWANG septuagenarian at isang pamangkin, ang natagpuang magkakahawak ang kamay at magkakapatong ang bangkay, sa Tondo, Maynila kamakalawa ng hapon .
Kinilala ang mga biktimang sina Gloria Calma, 76, kapatid nitong si Corazon Calma, 72, at pamangkin na si Rochelle Calma, 37, mga residente ng 537-A, Francisco St., Tondo.
Ayon sa ulat ni Arson Investigator SFO3 John Joseph Jalique ng Manila Fire Department, dakong 1:20 ng hapon nang nagsimula ang sunog sa unang palapag ng bahay na nirerentahan ng mga biktima.
Natutulog ang mga Calma nang magsimula ang sunog at huli na nang mapansin na kumalat na ang apoy kaya hindi na nagawang makalabas ng mga biktima mula sa nasusunog na bahay.
Ayon kay Jalique, nakita ang bangkay ng mga biktima na magkakapatong sa loob ng comfort room sa ikalawang palapag.
Tumagal ng isang oras ang sunog na umabot sa ikatlong alarma at 10 bahay pa ang nadamay. Iniimbestigahan na kung ano ang pinagmulan ng apoy.
ni leonard basilio