PINAGPAPALIWANAG ng Palasyo ang Department of Education (DepEd) hinggil sa ulat na naglabas ng memorandum ang kagawaran na nagpapahintulot sa tropang militar na pumasok sa mga silid-aralan sa elementary at high school upang magsagawa ng civil-miltary operations.
“Kailangan pag-aralan natin ‘yan upang maunawaan at kung may ganyang concerns ay maihatid sa mga pinuno ng DepEd para maipaliwanag nila sa mga mamamayan kung ano ang kadahilanan sa likod ng ganitong patakaran,” ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma, Jr.
Napaulat na ang nasabing memo ng DepEd ay inalmahan ng ilang mambabatas dahil militarisasyon ito sa batayang edukasyon.
Sabi naman ni Coloma, isa ito sa tinutulan noong siya’y estudyante pa sa University of the Philippines (UP) dahil ang batayang prinsipyo ay konsepto ng academic freedom.
“Kahit saan naman ay hinahangad ng mga guro na makapagturo nang walang ligalig o panganib sa pagdaloy ng impormasyon at kaalaman. Sa panig naman ng mga mag-aaral, siyempre, ayaw rin nila iyong sitwasyon na magkakaroon ng ligalig ang kanilang kapaligiran,” ani Coloma.
(ROSE NOVENARIO)