Makaaasa ng mas mababang bayarin sa koryente ang mga konsyumer ng Manila Electric Company (Meralco) ngayon Pebrero.
Ayon sa kompanya, tatapyasan ng P0.13 kada kilowatthour ang generation charge. Ibig sabihin, mula sa P5.67/kWh noong Enero, papalo na lang ito sa P5.542/kWh.
Para sa mga kumokonsumo ng 101 kWh kada buwan, bababa ng P13.27 ang kanilang bill. P26 naman ang mababawas sa mga gumagamit ng 200 kWh at P39 sa 300 kWh users.
Hindi pa kasama rito ang mas mababang tax at system loss charges.
Gayonman, nilinaw ng Meralco na ipapataw pa rin nila ang ipinagpalibang dagdag-singil para sa buwan ng Disyembre at Enero oras na matapos na ang 60-araw na temporary restraining order (TRO) ng Korte Suprema. P4.15/kWh ang dapat anilang pagtaas noong Disyembre at P5.33/kWh nitong Enero. Lalabas na kabuuang P9.48/kWh ang nakaambang bayarin ng mga konsyumer.