ITO ang tahasang pahayag ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa pagdalo sa pagdinig ng Senado kahapon kaugnay sa rice smuggling sa bansa.
Ayon kay Duterte, kaya niyang barilin si Bangayan kapag bumalik sa Davao, kahit pa ang magiging kapalit ay ang kanyang pagkakakulong.
Iginiit din ni Duterte na dapat tutukan ng gobyerno ang imbestigasyon kay Bangayan dahil wala nang ibang David Tan na notoryus sa rice smuggling kundi siya lamang.
Positibong kinilala ni Duterte si Davidson Bangayan bilang David Tan na sinasabing hari ng rice smuggling sa bansa lalo na sa lungsod ng Davao.
Sa pagdinig ng Senate committee on food and agriculture, halos komprontahin ni Duterte si Bangayan nang ituro na siya ang tinutukoy sa mga retratong kanyang inilabas sa media na sinasabing utak ng rice smuggling hindi lamang sa Davao kundi sa buong bansa.
Tahasan din sinabi ni Duterte na si Bangayan ang mastermind ng rice smuggling dahil siya ang may contacts sa halos lahat ng pantalan sa buong bansa mula sa Mindanao hanggang Luzon, kabilang na sa Davao, Cebu, Cagayan de Oro at Metro Manila.
Sinasamantala rin aniya ni Bangayan ang farmer cooperatives sa pamamagitan ng pagpondo sa rice importation.
nina CYNTHIA MARTIN/NIÑO ACLAN/JASON BUAN