INARESTO ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) si Davidson Bangayan matapos ang hearing sa Senado dahil sa kasong electricity pilferage. (JERRY SABINO)
INARESTO ng National Bureau of Investigation (NBI) si Davidson Bangayan alyas David Tan pagkatapos ng pagdinig ng Senate committee on agriculture and food kaugnay ng rice smuggling issue sa bansa.
Matapos ang Senate hearing, agad lumapit sa upuan ni Bangayan ang NBI agent at ineskortan siya palabas ng plenary hall.
Bago ito, idineklara ni Justice Sec. Leila De Lima na aarestohin na nila si Bangayan matapos lamang ang pagdinig.
Ngunit ang pag-aresto kay Bangayan ay walang kinalaman sa rice smuggling kundi dahil sa kautusan ng Caloocan RTC kaugnay ng kasong paglabag sa Anti-Electricity Pilferage Act o pagnanakaw ng koryente.
Naging mabilis ang pagkilos ng NBI na matapos makababa sa Senate building ay agad humarurot ang sasakyan sakay si Bangayan papuntang headquarters sa Taft Ave., Ermita, Maynila.
Una rito, isinulong ni Senate minority leader Juan Ponce Enrile ang pagsasailalim sa contempt kay Davidson.
Ito ay matapos magmatigas si Bangayan sa pagdinig na hindi siya si “David Tan” na sinasabing “big time rice smuggler” sa Filipinas.
Agad din nakalaya ang negosyante matapos ang ilang oras.
Imbes sa Caloocan Regional Trial Court Branch 126 magbayad ng kanyang piyansa si Bangayan, nagbayad siya ng P40,000 bail sa Manila RTC Branch 20 dahil sarado na ang korte sa lungsod ng Caloocan na naglabas ng arrest warrant laban sa kanya.
(CYNTHIA MARTIN/ NIÑO ACLAN/JASON BUAN)
PERJURY NAKAABANG
SASAMPAHAN ng Senado ng kasong perjury si Davidson Bangayan, itinuturong si David Tan na sinabing nasa likod ng bigtime rice smuggling sa Filipinas.
Ito ay matapos i-contempt si Bangayan ng Senado dahil sa pagsisinungaling sa pagdinig ng Senate committe on agriculture and food nang magmatigas at mariing itinanggi na siya ang bigtime rice smuggler na si David Tan.
Ayon kay Committtee chairperson Sen. Cynthia Villar, malinaw na nagsisinungaling si Bangayan sa mga dokumentong hawak ng Senado kabilang na ang court records na mismong si Bangayan ang nagdeklarang siya si David Tan.
(CYNTHIA MARTIN)