PANABLA ang habol ng Petron Blaze sa salpukan nila ng Rain or Shine sa Game Four ng best-of-seven semifinals series ng PLDT myDSL PBA Philippine Cup mamayang 8 pm sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Dinurog ng Boosters ang Elasto Painters, 106-73 sa Game Three noong Sabado para sa kauna-uahang panalo kontra Rain Or Shine sa season na ito. Angat pa rin ang Elasto Painters sa serye.
Magugunitang tinalo ng Rain or Shine ang Petron noong Disyembre 21 at nanaig sa unang dalawang game ng semis.
“It feels good to finally get our first win in the semis,” ani Petron Blaze coach Gelacio Abanila III.
Maaga palang ay idinikta na ng Petron ang Game Three at nakalamang, 30-12 sa katapusan ng first quarter.
Sa yugtong iyon ay pumasok ang mga three point shots nina Arwind Santos, Chris Lutz, Marcio Lassiter at Alex Cabagnot at hindi nagpilt sa kanyang opensa si June Mar Fajardo.
Dahil doon ay nahirapang mag-adjust sa depensa ang Rain or Shine.
Bukod doon ay napigilan din ng Petron ang running game ng Elasto Painters.
Nakatulong din sa magandang opensa ng Petron sina Doug Kramer at Chris Ross. Sa kabilang dako, pumugak naman nang husto ang opensa ng Rain Or Shine.
Sina Jervy Cruz at Jeff Chan ay gumawa lang ng tig-isang puntos, Sina Ryan Arana at Gabe Norwood ay nalimita sa tig-walong puntos.
Ang Elasto Painters ay pinamunuan ng mga big men nila. Nagtala ng 14 puntos si Beau Belga samantalang gumawa ng tig-sampu sina JR Quinahan at Raymond Almazan.
Umaasa si coach Joseller “Yeng” Guiao na makakabawi ang Rain Or Shine sa pagkatalo at mapipigilan na makatabla ang Petron. Sakaling makatabla ang Boosters ay malilipat na sa kanila ang momentum. Hangad ni Guiao na maihatid muli sa Finals ang Rain or Shine upang mabuhay ang pag-asang makamtan niya ang kauna-unahang kampeonato niya sa Philippine Cup.
Ang magwagwagi sa seryeng ito ay makakalaban ng mananalo sa serye ng Barangay Ginebra San Miguel at San Mig Coffee sa best-of-seven Finals.
(SABRINA PASCUA)