MALAKI ang posibilidad na babalik sa PBA ang Tanduay Rhum na pagmamay-ari ni Lucio Tan.
Sinabi ng anak ni Tan na si Lucio “Bong” Tan, Jr. na bukas ang kanyang pamilya sa muling paglalaro sa pangunahing liga sa bansa kung matutupad ng liga ang isang kondisyon nila.
“Personally, what I’d like to see in the PBA is balance. It would be more democratic if the PBA limits every investing group to a 20 percent vote in the Board,” wika ng batang Tan.
“I love the game and I know there is a lot of business value in playing in the PBA. At the proper time, maybe, my father might consider coming back to the PBA. Who knows? It’s a perfect vehicle for companies like ours involved in retail marketing.”
Sa ngayon ay kuntento ang pamilya Tan sa kanilang koponang Boracay Rum na kasali ngayon sa PBA D League.
Dating sumali ang pamilya Tan sa PBA nang isinali nila ang Manila Beer mula 1984 hanggang 1986 at ang Tanduay mula 1999 hanggang 2001.
Ngunit napilitan silang ibenta ang prangkisa sa Air21 dahil nadismaya sila sa impluwensiya umano ng mga koponang may-ari ng San Miguel Corporation sa PBA board.
Bukod dito, nasangkot ang Tanduay sa iskandalo ng mga umano’y “Fil-Shams” na kinabibilangan ni Sonny Alvarado noong panahong iyon.
(James Ty III)