HINILING ng isang grupo sa Korte Suprema na pigilan ang pagtaas ng premium contribution sa Philippine Health Corporation (PhilHealth) para sa taon na ito.
Inihain ng Kilusang Mayo Uno sa Supreme Court ang petition for certiorari para magpalabas ng ng temporary restraining order (TRO) laban sa pagpapatupad nang mas mataas na premium contribution sa PhilHealth na nakatakdang simulan ngayon buwan.
Naniniwala ang KMU na ang dagdag na bayarin para sa PhilHealth ay panibagong pasanin para sa mga manggagawa na kumikita lamang ng maliit na sahod.
Iginiit ng grupo na nagpapakita lamang ito na mistulang tinatalikuran ng gobyerno ang responsibilidad sa pag-subsidize sa health services.
Ayon sa Philhealth, ang mga manggagawa ay magbabayad na ng kontribusyon na katumbas ng 2.5 percent ng kanilang sweldo.
Sa ilalim ng bagong sistema ng Philhealth, ang mga miyembro na may buwanan sweldo na P8,999 pababa ay magbabayad ng P200 kontribusyon, ngunit sa lumang bracket, ang mga miyembro na kumikita ng P7,999 pababa ay magbabayad ng P175 monthly contributions. (HNT)