Nagkalat ngayon ang sangkaterbang peryahang sugalan (pergalan) sa La Union, ang nakapagtataka’y hindi man lamang ito binubuliglig ng pulisya rito.
Front lang ng mga peryahang ‘yan ang rides o iba pang panoorin dahil ang talagang pinagkakakitaan ng mga operator nang limpak-limpak na salapi ay mga sugal-daya na color games, drop ball, roleta at bingo.
Ang matindi, ginagawang tambayan ang mga pergalang ‘yan ng mga salot sa lipunan sa La Union, tulad ng mga holdaper, akyat-bahay, magnanakaw, tulak, adik at mga pokpok.
Matatagpuan ang sandamakmak na peryahang-sugal na sa Aringay, Pugo, Bacuit Sur, Aringay, Naguillian palengke, Bangar, San Juan, Balaoan at mismong sa lungsod ng San Fernando, L.U.
Ang tanong, bakit saksakan nang lalakas ng loob na magpatakbo ng ilegal na pergalan ang sugal-lupa operators sa La Union?
Simple lang ang sagot, ito ay para na rin sa kaalaman ni DILG Secretary Mar Roxas, na isa umanong Vice Mayor M aka Perya, ang itinuturong protektor ng mga pergalang ‘yan sa La Union.
Itong si Vice-Mayor ‘perya’ ay sobrang lakas (daw) kay Governor Manuel “Manoling” Ortega kung kaya’t sa kanya ipinagkatiwala ang pagbibigay ng proteksiyon sa mga pergalan sa naturang lalawigan.
Kilala naman kaya ni Vice Mayor Malinao ang bise-alkalde na tinutukoy natin na ‘tongpats’ sa mga perya-galan!?
Kaya natin binanggit ang pangalan ni Secretary Roxas ay dahil na rin nasa ilalim ng kanyang pamumuno ang isang opisyal na tulad ni Vice Mayor ‘Perya.’
Dapat ay paimbestigahan niya kay PNP Chief at Director General Alan Purisima ang mga salot na pergalan sa La Union at dito ay matitiyak nila na puro si Vice Mayor ‘Pertya’ ang bukambibig ng mga operator.
Bukod kay Vice Mayor ‘Pertya,’ ipinagmamalaki rin ng mga pergalan operators sa La Union ang isang ‘PD’ na tinimbrehan nila para makapag-operate ng mga ilegal na sugal.
O, ano Secretary Roxas at Boss-Tsip Purisima, aba’y huwag nang mag-aksaya ng panahon, kumilos kaagad at paimbestigahan na si Vice Mayor ‘Perya’ at ang tinatawag na ‘PD’ na paborito ng mga ilegalista sa La Union!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com