KINAMAYAN KO SI JOYBELLE NANG MAY MANGANTIYAW NA MATUTUNAW NA ANG BINILI KONG YELO
Maging sa bahay ay puro basa at paggawa ng mga aralin ang inaatupag ko. Lumalabas lang ako kapag may inuutos si ermat, o may pansariling pangangailangan.
Hindi ko alam na may bago pala kaming kapitbahay. Kalilipat lang sa bungad ng looban sa aming lugar . Mag-ina sila. Kanila ang bagong bukas na sari-sari store. Nagkataon noong nag-defroze ng ref si ermat kaya doon ako bumili ng yelo. Maraming kabinataang nakatambay sa harap ng tindahan. Kaya pala ay dahil sa ubod ng ganda ang tumataong tindera. Mala-krema ang kutis. At panlaban sa “Ms. Body Beautiful” ang vital statistics.
Bumuwelo lang ako para balikan at maki-pagkilala sa magandang kapitbahay namin. Pero ang kababata kong si Ningning ang tao na sa tindahan. Namasukan pala siyang kasambahay roon. Siya ang nagsabing umakyat na ng bahay ang aking sadya. “Bakit mo hinahanap?” aniya sa pag-uusisa. “Gusto ko sanang makipagkilala,” ang sagot ko. “Bakit?” tanong pa uli niya. “Ibig ko lang makipag-friendship at makipag-textmate sa kanya,” ang sabi ko. “Itatanong ko muna kung okey sa kanya, ha, Atoy?” ngiti niya.
Sinabi sa akin ni Ningning na tuwing Sabado ng gabi lang sa tindahan ang anak ng kanyang amo. “Joybelle” ang pangalan. Nag-aaral daw sa Maynila at doon namamalagi. Nangungupahan daw sa isang boarding house na malapit sa pinapasukang eskwelahan. Inungkat ko ang tungkol sa cellphone number ng dalagang anak ng kanyang amo. Saglit siyang nag-isip. Pagkakuha ng ballpen ay isinulat niya sa palara ng sigarilyo ang cellphone number na hinihingi ko.
Inilagay ko sa phonebook ang numero ng cp ni Joybelle. Nagpakilala ako sa kanya sa text. “K” ang reply sa akin. Sabi ko, paki-save ang aking number kung pwede. “K” uli ang sagot. “Kung ok sa u, txtm8 na kita,” pahabol ko. “Cge, k lang” ang mensaheng tinanggap ko. Ti-pid na tipid kung mag-text. Pinagtiyagaan ko, Makaraan ang ilang araw, sa katitiyaga ko’y humaba-haba na ang itine-text sa akin. May pakonsuwelo pang “gudnyt” o ‘bye” at “God bless.”
Hindi ko pinalagpas ang unang Sabado ng gabi sa pagbabantay ng tindahan ni Joybelle. Bumili ako ng yelo. Nginitian ako. How sweet. Pero bakit daw sa kanila ako bumili ng yelo, e, may tindang yelo rin kami. “Mas malamig kasi ang yelo n’yo…” ganting ngiti ko. Tinawanan ako. “Ako si Lucky” ang pormal kong pagpapakilala sa kanya. “Ako naman si Joybelle,” aniya nang makipagdaop sa akin ang malambot niyang palad. May isang tambay na nangantiyaw na sumigaw: “Atoy! Matutunaw ‘yang yelo mo!” Tsapter ang malagkit na pakikipagtitigan sa akin ni Joybelle. (Itutuloy)
Rey Atalia