KUNG hindi mabubulilyaso ang plano, maaaring dumating sa Pilipinas ang dating NBA superstar na si Allen Iverson ngayong taong ito.
Inaayos ngayon ng sikat na ahente ng imports na si Sheryl Reyes ang pagdating ni Iverson sa tulong ng manager niyang si Gary Moore at ang sportswriter na si Tina Maralit.
Kareretiro lang si Iverson sa NBA pagkatapos na maglaro siya sa Philadelphia 76ers at Memphis Grizzlies.
Si Reyes ang nagpadala kay Stephon Marbury sa ating bansa noong isang taon para maglunsad ng kanyang bagong sapatos at tumulong din sa mga naging biktima ng lindol sa Cebu at Bohol.
Plano rin ng PBA na dalhin si Iverson, kasama ang ilang mga dating NBA All-Stars, sa Pilipinas sa Hulyo para maglaro ng isang exhibition game kontra sa PBA All-Stars o ang Gilas Pilipinas.
Ang special projects director ng PBA na si Rhose Montreal ang nag-aayos upang dalhin si Iverson sa ating bansa.
Samantala, inanunsiyo ni Montreal na gagawin sa Mall of Asia Arena ang PBA All-Star Weekend, kasama na ang All-Star Game sa Abril bago ang Semana Santa.
Ito ang unang beses na gagawin sa Metro Manila ang All-Star Game ng PBA pagkatapos ng 11 na taon.
Ngayong taon ang ika-25 na anibersaryo ng PBA All-Star Game mula noong nailunsad ito ng liga noong 1989. (James Ty III)