A dose of their own medicine
SIGURADONG nangamba at kinabahan ang mga fans ng Barangay Ginebra San Miguel matapos na masilat ang Gin Kings ng eighth-seed Alaska Milk, 104-97 noong Miyerkoles sa simula ng kanilang quarterfinals affair.
Pumasok sa quarterfinals ang Gin Kings na may taglay na twice-to-beat advantage bunga ng pagiging No.1 team sa pagtatapos ng elims.
Pero masagwa ang naging umpisa ng Gin Kings noong Miyerkoles at nakalamang agad ang Aces, 10-2. Kahit na nakalapit ang Gin Kings ay na-kontrol pa rin ng Aces ang laban hanggang sa katapusan nito.
Siyempre, ninerbiyos ang mga fans ng Gin Kings. Kasi’y posible namang masilat ng eighth-seed ang topseed, e iIang beses na itong nangyari sa PBA.
Pero hindi hinayaan ng Gin Kings na mabigo ang mga fans nila.
Tit-for-tat ang nangyari. Sa salitang banyaga, binigyan ng Gin Kings ang Aces ng “a dose of their own medicine.”
Matindi ang naging umpisa ng Barangay Ginebra sa Game Two noong Sabado. Nilayuan agad nila ang Aces at hindi na pinahabol pa sa dulo. Kaya hayun, nagbunyi ang mga fans.
Kasi, sa unang pagkakataon sa tatlong seasons ay nakarating ang Barangay Ginebra sa semifinals. Matagal-tagal din namang na-miss ng mga fans ang semis.
At natural na tuwang-tuwa si coach Renato Agustin na nasa ikalawa niyang conference sa kampo ng Gin Kings. Kasi nga’y puwede niyang makamit ang kanyang ikalawang kampeonato sa PBA.
Marami ang naniniwalang sa lakas ng line-up ng Gin Kings ay kaya nga nilang magkampeon.
Pero kahit na medyo upbeat si Agustin na nagsabing hindi sila namimili ng kalaban sa semis, alam niyang mas mahirap na ang yugtong ito kaysa sa elims at quarterfinals.
Kailangan ng Gin Kings na ibayong tatag upang makalusot at umabot sa best-of-seven Finals.
Sabrina Pascua