PANGASINAN – Muling umarangkada ang ilegal na sugal dito, partikular sa Distrito 6, at sinasabing isang retiradong heneral at dalawang aktibong kernel ng PNP ang umano’y nasa likod nito.
“Kailangan ay kastigohin ng Camp Crame ang dalawa nilang opisyal na nakatalaga rito sapagkat sila ang taga-pagpatupad ng jueteng operations ng retired PNP general na hayagang sumasalaula sa “daang matuwid” ng administrasyong Aquino,” pahayag ng isang mataas na opisyal ng Kapitolyo.
Kinilala ng nasabing opisyal ang tatlong nasa likod ng muling pagsulpot ng jueteng sa lalawigang ito na si alyas General Divine (bilang financier) at sina alyas kernel Reymund at kernel Marlon.
“Ang tatlo ay kinakaladkad ang banal na pangalan ng Iglesia ni Cristo at suportado ng pulisya ng probinsiya ang kanilang ilegal na gawain dahilan sa sila’y magkakabaro, bukod pa sa ipinamumudmod nila na linggohang intelihensiya sa PNP provincial office,” sumbong ng nasabing opisyal.
Idinagdag niyang hindi sinusunod ng lokal na pulisya ang mahigpit na direktiba ni Governor Espino laban sa ilegal na sugal sapagkat mula pa noong bago ang halalang 2013 hanggang a ngayon ay wala nang ugnayan ang Kapitolyo at ang Pangasinan PNP.
“Hindi lingid sa kaalaman ng mga mamamayan sa lalawigan na ang kasalukuyang gobernador ay walang basbas sa nakaupong officer-in-charge ng provincial police office dahil labag sa proseso ang pag-upo nito na ang alam namin lahat ay ipinilit lamang sa Camp Crame ng isang natalong kandidato,” dagdag na sumbong ng mataas na opisyal ng Kapitolyo.
Ayon sa nagsusumbong na opisyal, mismong ang dalawang aktibong kernel, na dapat sana’y nagpapatupad ng kampanya laban sa ilegal, ang namamahala sa operasyon ng jueteng ni Gen. Divine na naging talamak na naman sa buong Distrito 6 at umaabot sa milyong piso ang arawang kobransa.
HATAW News Team