ISANG 50-anyos kargador ang pinatay sa loob ng kanyang bahay, ng sinabing tropa ng operator ng video karera sa lugar, matapos tumangging magpakabit ng koryente sa Tondo, Maynila iniulat kahapon.
Dead on arrival sa Gat Andres Bonifacio ang biktimang kinilalang si Alfredo Mayco, ng Purok 3, Isla Puting Bato, Tondo, sanhi ng tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan.
Sa ulat ni SPO1 Glenzor Vallejo ng Manila Police District Homicide Section, dakong 10:30 ng gabi, natutulog ang biktima, nang pasukin sa loob ng bahay saka pinagbabaril ng mga suspek na kinilalang sina alyas Kulit, alyas Ritchie, alyas Ontoy, pawang residente sa Pier 2, Purok 3.
Ang biktima ay may tama ng bala ng kalibre .45 baril sa katawan, isa sa kaliwang hita at kanang braso, kaliwang tenga at noo.
Ayon kay Vallejo, away sa jumper ng koryente ang nakikitang motibo sa pagpatay, dahil dalawang araw ang nakaraan, nakipagtalo ang biktima kay Richie, dahil hindi pumayag si Mayco na makikabit ang isa sa mga suspek ng koryente para sa kanilang ino-operate na video karera.
Pinaghahanap ng pulisya ang suspek sa nasabing insidente.
nina L. BASILIO/Jason Buan