LIGTAS na ang mahigit 300 pasahero, matapos sumadsad ang dalawang barko sa bahagi ng Mactan Island at Leyte kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Spokesman Commander Armand Balilo, unang sumadsad ang barko ng Medallion Transport dakong 2 a.m. sa bahagi ng Leyte. Dito ay naisalba ang 90 pasahero na nagmula sa Cebu City.
Ikalawang sumadsad ang barko ng Robles Shipping sa Mactan Island bandang 5 a.m. Dito ay naisalba naman ang 237 pasahero mula sa Cebu.
Sa ngayon ay nasa area na ang mga tauhan ng PCG para maitawid ang mga sakay ng dalawang barko.
Ngunit hihintayin muna ang high tide para mahila ang mga sumadsad na sasakyang pandagat.