NATUNTON na ng National Bureau of Investigation (NBI) si “David Tan,” ang itinuturong nasa likod nang malawakang smuggling ng bigas sa bansa.
Ito ang tiniyak ni Justice Secretary Leila de Lima sa press briefing hinggil sa usapin. Aniya, may totoong David Tan at ang tunay na pangalan ay Davidson Bangayan.
“The initial results of the verification and investigation of the NBI is that this David Tan actually exists,” sabi ng kalihim kahapon.
Kinompirma rin ng Justice secretary na tinatrabaho ng NBI ang nasabing kaso dahil batid na nila ang pagkakakilanlan ni Tan at alam na rin nila ang tirahan.
Matatandaan na inimbestigahan na ng DoJ ang pagkakaugnay ng isang David Tan sa rice smuggling ngunit hindi ito umusad matapos mabigong matukoy kung sino talaga ang naturang David Tan ngunit ngayon tiwala si De Lima na mabubunyag na ang illegal na gawain ni Bangayan.
“The NBI knows his addresses, the NBI knows who he is. We have pictures of him, and we know the businesses that he runs. Parang lumalabas na one-man cartel siya.The NBI continues to validate other information about Tan, including his alleged protectors and connections inside the Bureau of Customs (BOC) and other government agencies,” pahayag ni de Lima.
Mula noong Oktubre 2013 hanggang Disyembre 2013, aabot sa 48 milyong sako ng bigas na nagkakahalaga ng P725 milyon ang nakompiska sa 1,937 container vans sa iba’t ibang ports sa bansa.
Si Tan ang itinuturong mastermind sa large-scale rice smuggling, at binansagang
“King of Rice Smuggling” ang naging sentro ng idineklarang giyera ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte kamakailan.
Nagbanta ang alkalde na papatayin niya ang mga rice smuggler na patuloy na mag-o-operate sa Davao City.
(LEONARD BASILIO)